Hangad ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal ang pagkakaisa sa pagitan ng simbahan at ng pamahalaan.
Ito’y sa harap na rin ng iringan sa pagitan ng dalawang panig bunsod ng mga usapin tulad ng extra-judicial killings o EJK kaugnay sa war on drugs ng pamahalaan.
Sa kaniyang ika-86 na kaarawan, sinabi ng kardinal na malaki ang kaniyang respeto sa nakaupong Pangulo ng bansa at dapat siyang ipagdasal ng lahat ng pari naisin man nila o hindi.
Giit ni Cardinal Vidal, dapat manalangin ang bansa para sa maayos na pamumuno ng mga nasa poder gayundin ang pagkakaisa ng mga Pilipino.
Cardinal Vidal nanindigang hindi dapat maipasa ang Death Penalty Bill
Nanindigan si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal na hindi dapat maipasa ang panukalang ibalik ang parusang kamatayan.
Sa kaniyang pagdiriwang ng ika-86 na kaarawan, muling binigyang diin ng kardinal ang mga pakikipaglaban nila nuon ni yumaong Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin upang panatilihin ang kahalagahan ng buhay at paniniwala sa pagbabago ng isang criminal.
Samantala, ikinagulat din ng kardinal ang pagkakaugnay ng mga pulis sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Hindi makapaniwala si Cardinal Vidal na mismong ang mga nagpapatupad pa ng batas ang siya ngayong pinapanagot sa batas at hinuhuli ng mga kapwa nila pulis.
Sa kabila nito, umaasa pa rin si Cardinal Vidal na malilinis pa rin ang pulisya mula sa mga tiwaling miyembro ng kanilang hanay.
By Jaymark Dagala
Photo Credit: CBCP News