Mahilig ka ba sa kape?
Kung oo, susubukan mo bang uminom ng kape na may halong dahon ng sibuyas?
Maraming netizen ang nagka-interes na subukan ang spring onion latte na ayon sa ilang ulat ay nagmula sa China.
May ilang coffee shops na nagbebenta ngayon ng spring onion latte, ngunit kahit ikaw ay maaaring gumawa nito sa iyong bahay.
Una, kailangan munang dikdikin ang mga dahon ng sibuyas sa isang baso. Saka ito lalagyan ng yelo, gatas, kape, at toppings na spring onion.
Ayon sa ilang netizen na nakainom na ng kapeng ito, hindi ito masarap. Anila, hindi bagay ang malutong at slippery texture ng spring onion sa kape. Matapang din ang lasa at mabaho umano ang amoy ng kape nang haluan ng dahon ng sibuyas.
Bahagi ang spring onion latte sa dark cuisine ng China. Tumutukoy ito sa culinary style na nilikha batay sa mga kombinasyon ng mga pagkaing kakaiba o minsan pa ay nakakadiri, ngunit mas masarap pala kaysa sa inaasahan.
May ilang netizen na nagsabing hindi nila kailanman susubukan ang kape na may dahon ng sibuyas, habang ang iba naman ay nag-aalinlangang uminom nito dahil ayaw nilang magkaroon ng bad breath.