Target ipakalat ng Philippine National Police o PNP ang mahigit 1,500 pulis para sa napipintong pagdiriwang ng Baguio Flower Festival o Panagbenga ngayong taon.
Sinabi ni Cordillera Police Director Brig. Gen. Mafelino Bazar, may kabuuang 1,588 na mga pulis ang ipapakalat sa mga lugar na maaaring dadagsain ng mga tao tulad ng mga bus terminal, malls, parks, pamilihan.
Bukod aniya sa pagtitiyak sa seguridad ng taumbayan ay tutulong din ang kapulisan pagdating sa traffic management sa mga lugar na maaapektuhan ng nabanggit na aktibidad.
Nakatakdang idaos ang opening parade ng Panagbenga Festival sa February 1, 2023, habang isasagawa naman ang street dance at grand float parade mula February 25 hanggang 26, at sa February 27 hanggang March 5 naman gaganapin ang “session road in bloom”.
Mababatid na ito ang kauna-unahang pagkakataon na idaraos ang Panagbenga Festival matapos ang dalawang taong kanselasyon bunsod ng pagsirit ng COVID-19 pandemic.—mula sa panulat ni Hannah Oledan