Naglagay na ng karagdagang tauhan ang PNP-Aviation Security Group sa mga paliparan sa bansa.
Ito ay matapos na magpatupad ng heightened alert ang Department of Transportation o DOTr kasunod ng nangyaring pagsabog sa Lamitan, Basilan na ikinasawi ng sampung (10) indibiduwal.
Ayon kay PNP Aviation Security Group Director Police Chief Superintendent Dionardo Carlos, pawang mga counter hi-jack trained ang karagdagang puwersa na kanilang idineploy sa mga paliparan lalo na sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Sa kabila nito, nilinaw ni Carlos na nananatiling payapa ang sitwasyon sa mga paliparan sa bansa at wala pa naman silang namomonitor na anumang bantang pan-seguridad.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Manila International Airport Authority o MIAA General Manager Ed Monreal ang mga pasahero na huwag ika-alarma ang pinahigpit na seguridad at sundin lamang ang nakagawian nitong airport procedure.
Pinadalas din ng NAIA ang inspeksyon at random check ng mga sasakyan gamit ang bago nilang hybrid explosive detection equipment.
Dadagdagan din ang foot patrol at perimeter surveillance at dadalasan ang K-9 paneling.
—-