Maglalaan ng mga karagdagang biyahe ng mga bus ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang ayuda sa mga mananakay na posibleng maapektuhan ng malawakang tigil pasada ng mga grupo ng transportasyon.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, bagama’t maliit lamang ang inaasahan nilang magiging epekto ng transport strike, minabuti pa rin nila ang maglatag ng contingency plan.
Aniya, prayoridad nila ang kaginhawahan at mobility ng mga mananakay.
Kabilang sa mga ruta na lalagyan ng mga karagdagang bus ang bahagi ng Letre Malabon, Valenzuela, 5th Avenue sa Rizal Avenue at C3 road, Monumento, C3 Dagat-Dagatan, Marikina, Taft, Quezon Ave., RMB via V. Mapa hanggang Plaza Avelino.
Gayundin sa Baclaran hanggang Sucat, EDSA taft patungong Manila at Quezon City, Osmeña highway hanggang FTI at Alabang, Parañaque via Quirino hanggang Zapote, Las Piñas, Technohub, Philcoa at Commonwealth hanggang Cubao.
Magdadagdag din ng biyahe ng mga bus sa Guadalupe, Santolan, Novaliches, Dela Rosa via Mc Arthur Malinta at Robinson’s Fairview.