Binuweltahan ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa kaniyang naging pagbubunyag tungkol sa umano’y nangyaring dayaan noong 2016 elections.
Ito’y makaraang maliitin ni COMELEC Spokesman Director James Jimenez ang pagsisiwalat ni Sotto sa kaniyang privilege speech noong isang linggo na sinabing hindi pa iyon sapat para patunayang mayroon ngang nangyaring iregularidad.
Sa panayam ng DWIZ kay Sotto, sinabi niyang ilalabas niya sa Lunes ang mga karagdagang ebidensya para patunayan ang kaniyang mga naging pagbubunyag.
“Kitang-kita dito sa ipinakita sa akin, sa ibinigay sa akin, itong server ng Smartmatic, ito ‘yung parang DNS o domain name server na ginagamit, makikita mo naman kapag nag-log ‘yan meron ‘yang digital history, hindi mo na maaalis ‘yan eh, may date and time siya, May 8, madami, dalawang beses 9:17 am .12 seconds, dalawang beses ulit, 9:24 apat na beses, sunod-sunod ‘yan ah, mahaba.” Ani Sotto
Magugunitang maging si Senadora Nancy Binay ay nakatanggap rin ng mga impormasyon hinggil sa mga naging pagbubunyag ni Sotto kaya’t nanawagan din siya na imbestigahan ito.
Samantala, nilinaw ni Sotto na walang kinalaman ang mga nakabinbing electoral protest sa kaniyang mga naging pagsisiwalat.
“Monday sasagutin ko point by point ‘yung pinagsasabi ni Director Jimenez at ilalabas ko pa ‘yung iba pang log na naiwan sa akin na ibinigay sa akin, unless meron pa siyang dalhin sa akin before Monday na maliwanag, andun ‘yung mga pangalan, ako naman kasi kung anong ibigay sa akin at dokumentado sasabihin ko, pero ikinuwento mo lang sa akin at hindi dokumentado, hindi ko gagamitin, mahirap na.” Pahayag ni Sotto
(Sapol Interview)