Binigyan na ng go signal ni Agriculture Secretary William Dar ang planong pagtatayo ng food processing facility sa La Trinidad, Benguet.
Ito’y bilang pandagdag sa nakatayo nang Benguet Agri-Pinoy Trading Center upang maiwasan ang pagkalugi at pagkasira ng mga produktong gulay at prutas ngayong peak season na nasabay sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa kalihim, sa pamamagitan ng nasabing pasilidad, hindi na mauulit ang nangyaring pagtatapon ng tone-toneladang kamatis sa Tinoc, Ifugao dahil sa kawalan ng buyer at access sa mga pamilihan.
Kasabay nito, sinabi ni Dar na kanila ring pinaghusay ang mekanismo ng Kadiwa Express upang mabilis na humanap ng buyer sa mga locally produced na gulay at prutas.
Nagkakahalaga ng P20-milyon ang ginugol ng pamahalaan sa pagpapatayo ng nasabing pasilidad na inaasahang malaking tulong sa mga magsasaka.