Minaliit lamang ni Senador Panfilo Lacson ang pangamba ng mga kritiko na mauwi na sa batas militar ang ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Ito’y sa sandaling umarangkada na ang special session ng kongreso bukas para talakayin ang mga karagdagang kapangyarihang igagawad sa ehekutibo para tumugon laban sa COVID-19.
Sa panayam ng DWIZ kay Lacson, sinabi nito na handa silang ibigay sa ehekutibo ang lahat ng mga kinakailangang kapangyarihan salig pa rin sa itinatadhana ng konstitusyon.
Ginawa ng senador ang pahayag dahil sa patuloy na pagsuway ng ilan sa mga ipinatutupad na mga panuntunan tulad ng hindi paglabas ng mga ito sa kani-kanilang mga tahanan nang walang mahalagang pakay.
Basta hindi tayo lalabag sa probisyon ng konstitusyon sa mga legal liberties, mga rights, mga freedom, ay pwedeng ibigay sa kanila yun. Hindi naman pwede gumawa kami ng batas na labag doon sa tinatawag nating saligang batas,” ani Lacson.
Para kay Lacson, hindi na kakailanganin pa ng ehekutibo na isulong pa ang pagdideklara ng batas militar dahil sapat na ang ginagawang mga hakbang upang labanan ang sakit dulot ng COVID-19.
Alam mo yung martial law naman ay under the 1987 consitution, hindi pa rin nawawala yung mga individual rights doon diba? Yung mga basic rights nandoon pa rin, hindi pwedeng humuli ng walang warrant, hindi pwede mag-search ng walang search warrant, hindi pwedeng magkulong ng napakatagal kung wala namang kaso,” ani Lacson. — panayam mula sa Usapang Senado.