Aprubado na sa House of Representatives ang panukalang bigyan ng karagdagang kapangyarihan ang Pangulong Rodrigo Duterte upang tugunan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak sa bansa.
Sa botong 284, syam ang kumontra at walang abstentions, inaprubahan sa special session ng Kongreso ang panukalang bayanihan to heal as one act para sa deklarasyon ng national emergency sa harap ng COVID-19 outbreak.
Sakaling maging batas, tatlong buwan lamang ang magiging epektibo ang emergency powers ng pangulo maliban na lamang kung palalawigin ito ng kongreso o maaari rin namang putulin ng mas maaga.
Kabilang sa maraming probisyon ng panukala ang kapangyarihan ng pangulo na gamitin sa ibang bagay ang mga nakalaang alokasyon sa 2020 national budget tulad ng pagbili ng mahahalagang medical supplies tulad ng personal protective equipment.
Binibigyan rin ang Pangulo ng kapangyarihang mapabilis ang covid testing sa mga persons under investigation, regulasyon ng public at private transport, regulasyon ng traffic sa lahat ng kalsada at tiyakin na sumusunod ang lahat ng LGU’s sa community quarantine standards.