Kinasuhan ng CIDG Santiago City Field Unit si CPP-NPA-NDF Chairman Jose Maria Sison at ilang miyembro ng Reynaldo Pinon Command Gitnang Isabela.
Inihain nila ang reklamo sa Office of the Provincial Prosecutor sa Ilagan City, Isabela.
Kabilang sa reklamo sa grupo ni Sison ay ang paglabag sa Section 4 paragraph a (4) ng RA 9851 o Philippine Act on Crime Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, at Section 4 (b) ng RA 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na ang CPP-NPA-NDF ang responsable umano sa pag-atake sa mga mining site ng ASD Corporation at Nickel Asia Geogen Corporation sa Barangay Dimaluade, Dinapigue, Isabela noong Oktubre 28, 2015.
Sinalakay at tinutukan umano ng baril ng 80 communist terrorist ang mga empleyado ng nasabing mga korporasyon at sinunog ang lahat ng kagamitan, service vehicle, at bunkhouse.
Tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 185 milyong piso ang nawasak na ari-arian habang kinuha rin ang mga baril ng security guards na nagkakahalaga ng 100,000 piso. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)