IGINIIT ng Trabaho Partylist na importante rin na mabigyan ang mga empleyado ng mga karagdagang non-wage benefits para mapagbuti nila ang kanilang pamumuhay.
“Hindi lang dapat nakatali sa income ang disenteng pamumuhay kundi maging sa pagkakaroon ng benefits partikular sa health,” pahayag ni Atty. Filemon Ray Javier, tagapagsalita ng grupo, matapos matanong sa isang panayam tungkol sa mga solusyong makakatulong sa mga manggagawa at empleyado sa tuwing hindi naaapruhaban ang mga nakaambang na wage hike.
Aniya, hindi dapat nakadepende lamang sa wage increase para matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
Ipinunto niya na sa mga long-term na solusyon, kinakailangang palakasin ang ekonomiya, paramihin ang mga investors, magbigay ng mga training para sa skilled workers, at pagkakaaroon ng representasyon kagaya ng Trabaho Partylist sa kongreso upang maisabatas ang marami pang importanteng benepisyo para sa mga maggagawang Pilipino.