Dagdag P8 bilyon ang inihirit ng Commission on Elections (COMELEC) para sa karagdagang Vote Counting Machines o VCM kung pabibilisin ang voting process sa May 2022 national elections.
Ito ang inamin ni COMELEC Steering Committee Head Commissioner Marlon Casquejo sa gitna ng pangambang magkaroon ng delay sa halalan dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang pagharap sa Joint Congressional Oversight Committee hinggil sa automated election system, inihayag ni Casquejo na aabot sa 20,000 VCM ang kailangan upang mabawasan ang voter to VCM ratio sa 600 voters per machine.
Sa ngayon ay mayroong mahigit 97,000 VCM ang poll body na ini-re-refurbished para sa halalan sa susunod na taon.
Gayunman, nasa 61 milyon ang registered voters indikasyon na tinatayang 1,000 voters ang pipila sa kada makina.—sa panulat ni Drew Nacino