Inirekomenda ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority (MARINA) ang pagsasailalim sa karagdagang pagsasanay ng mga mangingisdang Pinoy.
Kasunod na rin ito ng insidente ng pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa bahagi ng Recto Bank.
Ayon kay Transportation undersecretary Fernando Juan Perez, nakapaloob ang nasabing panukala sa resulta ng imbestigasyon ng dalawang ahensiya sa Recto Bank incident na kanila nang naisumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag ni Perez, kinakailangan na ring magpatupad ng pagbabago sa mga regulasyong may kaugnayan sa industriya ng pangingisda sa bansa.
Samantala, inirekomenda naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paglalagay ng transponder o aparato na tumatanggap ng radio signal sa mga bangkang pangisda ng mga Pinoy sa West Philippine Sea.