Nangangailangan pa umano ng karagdagang pondo ang gobyerno para sa mga relief efforts sa gitna ng pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang televised address kagabi.
Ayon sa pangulo, inatasan na niya si Finance Secretary Carlos Dominguez na maghanap ng karagdagang pondo bukod sa nakalaang P275-bilyong package na inaprubahan ng kongreso sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One act.
Sinabi ng pangulo na hindi magtatagal ay mauubos talaga ang mga nakaprogramang pondo, aniya, wala naman kasing pumapasok na kita ngayon at puro lamang bigay o donasyon.
Dahil dito pinagagawa umano niya ng paraan si Dominguez kung papaano o saan makakakuha ng karagdagang pondo para matugunan ang pangangailangan ng taumbayan sa gitna ng krisis dahil sa COVID-19.