Nadagdagan pa ang mga pribadong laboratoryo na nakahandang magproseso ng specimen para sa COVID-19 testing mga balik-bansang OFW’s.
Ito ang inihayag ng Malakanyang habang hindi pa nababayaran ng PhilHealth ang nalalabing utang nito sa Philippine Red Cross.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa ipinadalang abiso ng medical director ng Project Ark na si Dr. Minguita Padilla, nagpahayag ito ng kahandaang isailalim sa RT-PCR tests ang mga balik bansang OFW’s.
Ani Roque, may 11 laboratoryo ang Project Ark kung saan ang bawat isa ay may testing capacity na 3,000 kada araw.
Aniya, ilalagay ang nabangggit na laboratoryo ng Project Ark sa Philippine Children’s Medical Center Sa Quezon City, Jose Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan at JB Lingad Memorial Hospital sa Pampanga.
Dagdag ni Roque, maliban sa Project Ark, nagpaabiso na rin ang Philippine Airport Diagnostic Laboratory na nag-operate sa NAIA at may testing capacity na 4,000 kada araw.
Sinabi ni Roque, nakahanda aniya ang naturang laboratoryo na magbigay ng PCR test sa mga balik bansang OFW’s at overseas Filipinos sa kaparehong halagang sinisingil ng Philippine Red Cross.