Pinag-aaralan na ng Department of Transportation ang posibilidad nang pagtatalaga ng karagdagang ruta para sa inaasahang pagbabalik ng full face-to-face classes sa Setyembre.
Ayon kay Transportation secretary Jaime Bautista, tinitingnan na nila ang fleet rationalization para magamit ang mga ruta at makakuha ng mas maraming load factor kada biyahe.
Napag-usapan din anya na dapat ituloy ang rationalization at kailangan ng mga tamang impormasyon kung ano ang mga availability ng mga sasakyan na gagamitin at mga maaaring gawin.
Una nang inihayag ng DOTr na karamihan sa mga ruta lalo sa Metro Manila ay masyadong mahaba o overlapping na nagreresulta sa hindi maayos na mga biyahe at nangangailangan ng pag-optimize ng ruta.
Idinagdag ng kalihim na kasalukuyang pino-proseso ng isang grupo ang pagkumpleto ng isang pag-aaral sa fleet rationalization bago ang pagbabalik ng face-to-face classes.
Bumuo na rin ng Ad Hoc Committee na pinamumunuan ng Undersecreatary for Roads kasama ang mga miyembro kabilang ang mga kinatawan mula sa Department of Education, Commission on Higher Education, Metropolitan Manila Development Authority at iba pang ahensya.