Nilagyan ng Comelec o Commission on Elections ng mga karagdagang security features ang mga gagamiting balota para 2019 midterm elections sa Mayo.
Ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez, kabilang sa mga nasabing security features ang paglalagay ng ultraviolet markings sa mga balota.
Aniya, sa pamamagitan ng uv markings matutukoy kung authentic o tunay ang balota at kung nabasa na ba ito ng voting machines.
Dagdag ni Jimenez, nilagyan din ng mga serial numbers ang mga balota para malaman ng Comelec ang mga sobra at hindi nagamit, gayundin sakaling nawala ang mga ito habang idini-deliver.
Nitong Sabado sinimulan na ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota para sa midterm election at kanilang inaasahan matatapos na ang 64 million balota sa kalagitnaan ng Abril.