Inaasahang darating na sa bansa ang dagdag na sasakyan at testing equipment para sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon ito kay Philippine Red Cross (PRC) chairman Senator Richard Gordon hinggil sa aniya’y anim o pitong ambulansya na mayruong negative pressure para ang pasyente ay hindi makahawa masyado at maging ang mga makukuhang pathogens ay ilalagay sa makina para hindi sumingaw at hindi tatamaan ang mga taong magdadala niyan.
Kasabay nito, ipinabatid ni Gordon na inaasahang operational na sa Miyerkules, Abril 8, ang COVID-19 testing laboratory sa Mandaluyong City na maaaring magsagawa ng 2,000 test kada araw.
Tatlo pa aniyang testing centers ang bubuksan ng Red Cross para masakop ang east at west areas ng Metro Manila bukod pa sa itatalaga sa Los Baños, Laguna; Clark, Pampanga; Batangas; Cebu; at Mindanao.