Nagdeploy ng karagdagang traffic enforcers ang Manila City Government kasunod ng Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema hinggil sa implementasyon ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Tiniyak ng lokal na pamahalaan, na tatalima ang kanilang lungsod sa ibinabang kautusan ng kataas-taasang hukuman na pansamantalang itigil ang pagpapatupad ng ncap ng Metro Manila lgus.
Naniniwala si Manila City Mayor Honey Lacuna na maraming magagandang naidulot ang ncap sa daloy ng trapiko at pagsasaayos ng disiplina sa ating lungsod.
Ayon kay Lacuna, hindi lamang mga residente ang magbebenepisyo ng naturang ordinansa kundi maging ang mga motorista dahil napababa ng ncap ang bilang ng traffic violations sa lungsod.
Bukod pa dito, naiwasan din ang buhol-buhol na daloy ng trapiko sa lungsod kung saan, bumaba sa 47% ang bilang ng mga fatal at non-fatal injuries dahil sa mga aksidente sa kalsada.
Nasa 62% naman ang ibinaba ng mga naitatalang road accidents habang nasa 90% naman ang naitalang traffic violations sa daily average ng kada traffic camera sa Maynila matapos na ipatupad ang ncap.
Sinabi ni Lacuna, na ang mga naturang datos ay patunay lang na ang ncap ay isang malaking tagumpay upang maiayos ang daloy ng trapiko, maiwasan ang gridlocks, at mabawasan ang bilang ng pagkasugat at pagkamatay mula sa aksidente maging ang mga traffic rules violations sa mga lansangan sa bansa.