Patuloy ang pagdating ng karagdagang tropa ng gobyerno sa Marawi City, Lanao del Sur sa gitna ng pakikipagbakbakan sa mga miyembro ng ISIS o Abu Sayyaf at Maute Groups.
Tiniyak ni Lt. General Carlito Galvez, commander ng AFP-Western Mindanao Command na hahalughugin nila ang lahat ng gusali sa lungsod upang malipol ang mga bandido at mahuli ng buhay o patay ang tinaguriang ISIS leader ng Southeast Asia na si Isnilon Hapilon.
“Dumarating na ang ating additional forces then we would like to continue on addressing the situation, sa ngayon gusto naming i-secure yung other areas na reported na covered ng Maute Group. Medyo naiipit na ang grupo ni Isnilon Hapilon and then gumagawa sila ng diversionary tactics, we will contain the situation on soonest possible time.” Ani Galvez
Ayon kay Galvez, sa ngayon ay nakatutok ang kanilang operasyon sa buong Marawi upang maiwasan ang pagkalat ng kaguluhan sa mga karatig lugar.
Malaking tulong din anya deklarasyon ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao sa operasyon ng militar.
“Sa ngayon, we’re still waiting for the official directive kasi once na nag-declare (Martial law) meron tayong tinatawag na joint declarations na pipirmahan ng ating mahal na Presidente, may mga provision doon na may specific na magiging parang rules of engagements namin in dealing with the lawless elements in Mindanao. We still maintain order relationship natin with the MILF and MNLF, the peace process will still continue.” Pahayag ni Galvez
Seguridad sa Metro Manila pinahihigpitan
Samantala, pinahihigpitan ni Quezon City Mayor at National Capital Region o NCR Regional Peace and Order Council Chair Herbert Bautista ang ipinatutupad na seguridad sa Metro Manila.
Ayon kay Bautista, dapat paigtingin ang security effort gaya ng paglalagay ng checkpoints, mobile patrols at iba pa sa NCR upang mapigilan ang anumang banta ng terorismo sa Metro Manila.
Ginawa ni Bautista ang pahayag kasunod ng nangyayaring kaguluhan sa Marawi City sa Mindanao.
By Drew Nacino | Ratsada Balita (Interview) | Ralph Obina