Tinawag na ‘isolated incidents’ lamang ng Philippine National Police (PNP) ang mga nangyaring karahasan sa eleksyon.
Inilarawan din ni PNP Officer-In-Charge Plt. Gen. Vicente Danao Jr. Ang katatapos na halalan bilang ‘relatively peaceful’ kumpara sa mga nagdaang eleksyon noong 2016 at 2019.
Inihayag ni Danao na nakapag-deploy ang PNP ng 749 trained police personnel na nagsilbing alternate members ng electoral board sa mga polling precincts sa 37,213 voting centers sa mga rehiyon.
Sinabi ni Danao na bagama’t nakapagtala ang PNP Command Center at National Election Monitoring and Action Center (NEMAC) ng ilang insidente na hinihinalang may kaugnayan sa eleksyon, agad din namang nakaresponde ang mga awtoridad.
Patuloy naman aniyang magbabantay ang mga pulis at sundalo sa kani-kanilang area of responsibility hanggang sa matapos ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa eleksyon. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)