Pababa na ang bilang ng karahasang may kaugnayan sa eleksyon.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, hepe ng PNP Public Information Office, ito ang nakita nilang trend mula pa noong 2010 elections.
Inihayag ito ni Mayor sa kabila ng pagpatay kay Tungawan Zamboanga Sibugay Mayor Randy Climaco matapos lamang itong maghain ng kanyang certificate of candidacy.
Noong 2010 elections, umabot sa 166 ang election related cases na naitala ng PNP samantalang 109 na lamang noong 2013 elections.
Gayunman, inamin ni Mayor na nagsisimula lamang ang kanilang pagbibilang ng mga karahasang may kaugnayan sa eleksyon sa pagsisimula ng election period sa buwan pa ng Enero.
“Sa mga malayo po na mga insidente ay iniimbestigahan pa po natin ito kung ano talaga ang bautismo dito, subalit kung doon po tayo mag-base sa rules ng COMELEC, at banggitin ko na din yung sa Philippine National Police policy ng deadline ay election related incident is confined doon sa election period.” Ani Mayor.
Election hotspot
Rerepasuhin pa ng Philippine National Police (PNP), Commission on Elections (COMELEC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga panuntunan bago ituring na election hotspot o area of concern ang isang lugar para sa eleksyon.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, hepe ng PNP Public Information Office, marami nang nabago sa mukha ng pulitika sa mga nagdaang panahon.
Isa anya sa pinag-aaralan nila ay kung isasama sa areas of concern o idedeklarang hotspot ang mga lugar kung saan unopposed ang mga kandidato.
Mas maraming puwersa ng pulisya at militar ang idine-deploy sa mga lugar na deklarang hotspot o kabilang sa areas of concern.
Nakatakdang ilabas ng PNP ang talaan ng election hotspots at areas of concern para sa 2016 elections pagkatapos na ng filing ng certificate of candidacy.
“Ang meaning kasi ng isang election related incident ay yung isang insidente na magkakaroon ng disruption o magkakaroon ng tensyon sa isang area na magkakaroon ng electoral process, kung ganito ang sitwasyon then baguhin natin ang parameters para kumbaga it is responsive to the crimes, o yung adaptive sila sa mga present situations, dapat po innovative tayo sa mga ganitong sitwasyon.” Pahayag ni Mayor.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit