Umarangkada na ang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, matapos ang limang magkakasunod na price hike ngayong taon.
Ayon sa mga kumpanya ng langis, nasa 0.10 centavos ang bawas sa presyo ng kada litro ng diesel, habang nasa 0.40 centavos naman ang ibinaba ng presyo ng kada litro ng kerosene.
Aabot naman sa 0.60 centavos ang rollback sa presyo ng kada litro ng gasolina.
Unang ipinatupad ng kumpanyang CALTEX at Cleanfuel ang nabanggit na price adjustment kaninang 12:01 am.
Nagkaroon din ng kaparehong rollback ang Chevron Philippines Incorporated, Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines kaninang 6:00 am.
May kaugnayan ang nabanggit na price adjustment sa projection o taya ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau sa bahagyang paglakas ng inbentaryo ng krudo ng Estados Unidos sa gitna ng pagtaas ng produksyon ng langis ng naturang bansa, at mabagal na pag-akyat ng demand sa petrolyo. – sa panunulat ni Charles Laureta