Tiniyak ng Malacañang na hindi bibitawan o isusuko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang paglilinaw ng Palasyo sa naging pahayag ng Pangulo na walang magagawa ang Pilipinas sa ngayon laban sa China kung magtatayo man ito ng istruktura sa Scarborough o Panatag Shoal.
Binigyang diin ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, kung mapatutunayang opisyal na pahayag iyon ng China, tataliwas aniya ito sa binitiwang pahayag sa kanila ng Beijing hinggil sa kanilang posisyon sa usapin.
Kasalukuyan na aniyang kumikilos ang DFA o Department of Foreign Affairs para beripikahin ang lumutang na ulat dahil pawang lumabas lamang aniya iyon sa isang pahayagan ng China.
Magugunitang binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte bago tumulak patungong Myanmar noong araw ng Linggo na gagamitin niya ang naging pasya ng UN Arbitral Court na naipanalo ng Pilipinas sakaling galawin na ng China ang mga teritoryong malinaw na sakop ng Pilipinas.
Matibay na protesta inihahanda na
Posibleng maghain ng isang matibay na protesta ang Pilipinas laban sa China hinggil sa usapin ng territorial dispute.
Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kasunod ng plano ng China na magtayo ng environmental monitoring station sa Scarborough o Panatag Shoal.
Ayon kay Aguirre, sa katunayan aniya’y nais palakasing muli ng Pilipinas ang relasyon nito sa Estados Unidos upang makatulong sa pagtatanggol sa mga pinag-aagawang teritoryo.
By Jaymark Dagala