Pinatitiyak ng Commission on Human Rights (CHR) sa pamahalaan na hindi dapat mauwi sa authoritarian tendencies ang paghahabol sa mga nagpapakalat ng fake news ukol sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jackie De Guia, labis aniya nilang ikinababahala na magresulta umano sa diskriminasyon sa tao at ibang lahi ang outbreak ng 2019 nCoV-ARD.
Bagama’t normal lang na mabahala at matakot sa sakit na dulot ng nasabing virus ang mga kakaunti lang ang nalalamang impormasyon, sinabi ni De Guia na hindi dapat manaig ang maling pagtrato sa ibang tao.
Kasunod nito, hinimok ni De Guia ang pamahalaan na mas pagtuunan ng pansin ang pagtukoy sa sinumang nagtataglay ng nasabing virus hanggang sa tuluyan itong mapigilan sa pagkalat at masupil.