Kinalampag ng Radio-TV broadcaster na si Karen Davila ang pamahalaang panlalawigan ng Siargao makaraang madisgrasya ang kaniyang anak nitong nakalipas na Semana Santa.
Kuwento ni Karen sa kaniyang Facebook post, labis aniya ang traumang inabot ng kaniyang anak na si David nang masugatan ito sa kasagsagan ng surfing session sa naturang isla.
Nakagugulat din ang biglang paglaho ng surfing instructor na kinilalang si Jocol Valerio matapos ituro sa asawa ni Karen at news executive na si DJ Sta. Ana ang tindahan para bumili ng antiseptic at bulak.
Sinasabing dumausdos sa mababatong bahagi ng dalampasigan ang batang si David kung saan ito nagtamo ng iba’t ibang galos sa buong katawan.
Pero lalong nagpa-init pa sa ulo ng broadcaster ay ang kawalan ng first aid team o life guard na siyang tutulong sa mga nadidisgrasyang turista sa isla.
Tulong sa anak ni Karen Davila, tiniyak
Nakikipag-ugnayan na si House Speaker Pantaleon Alvarez sa pamahalaang panlalawigan ng Surigao del Norte makaraang maaksidente ang anak ng batikang brodkaster na si Karen Davila sa Siargao islan nitong Semana Santa.
Ayon kay Alvarez, nakikipag-usap na siya kina Gov. Sol Matugas at Rep. Francisco Matugas para alamin kung bakit walang first aid team na nakatao sa isla nang mangyari ang aksidente.
Magugunitang lumikha ng ingay sa social media ang post ni Karen hinggil sa pagtatamo ng galos sa katawan ng kaniyang anak na si David makaraang maaksidente ito habang nasa surfing lesson.
Una nang inamin ni General Luna, Siargao Mayor Jaime Rusillon kay Davila na kulang na kulang sila sa mga medical personnel dahil isa lamang silang 5th class municipality at hindi sila handa sa dagsa ng mga turista sa kanilang bayan.