Mahigpit na binabantayan ngayon ang apat na estado sa Amerika kaugnay ng nagpapatuloy na bilangan sa U.S. Presidential Elections.
Ito’y dahil sa gitgitan pa rin ang laban sa pagitan nila incumbent President Donald Trump at dating U.S. Vice President Joe Biden sa karera sa pagkapangulo ng Amerika.
Batay sa partial and unofficial results ng Associated Press, lamang si Biden na nakakuha ng 264 electoral votes o katumbas ng 73,791, 665 vote count.
Dahil dito, nasa anim na electoral votes na lamang ang kinakailangan ni Biden para masungkit ang kabuuang 270 electoral votes na siyang magreresulta sa kaniyang pagkapanalo habang aabot sa 214 electoral votes ang nakuha ni Trump o katumbas ng 69, 836, 919 vote counts.
Una nang idineklarang panalo si Biden sa Arizona at patuloy siyang nakalalamang sa Pennsylvania, Nevada gayundin sa Georgia habang nakalalamang naman si Trump sa North Carolina.
Gayunman, pinareresolba sa US Supreme Court na huwag nang bilangin ang mga nahuling boto sa Pennsylvania matapos maantala ang bilangan dahil sa ilang balota ang hindi tinanggap ng makina.