Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait sa posibleng karmang abutin ng mga ito.
Ito ang naging pahayag ng Pangulo sa kaniyang talumpati nang salubungin ang mga dumating na Overseas Filipino Workers o OFWs mula sa Kuwait sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 1.
Sinabi ng Pangulo na sa kabila ng magagandang bagay na ginawa ng Pilipinas para sa kanila ay hindi naging maganda ang isinukli ng Kuwait bagkus ay nakaranas pa ng iba’t ibang klase ng pang-aabuso ang mga Pinoy sa kanilang bansa.
Binanggit pa ni Pangulong Duterte ang ginawang pagpapadala ng Pilipinas ng tropa na kinabibilangan ng mga doktor at nurse sa Kuwait nang salakayin sila noon ng Iraq.
Kasabay nito, nagpasalamat din ang Pangulo sa Philippine Airlines at Cebu Pacific sa pagtugon ng mga ito at magsagawa ng special flights para maiuwi sa Pilipinas ang mga OFW.
Nagpaabot din ng mensahe ang Pangulo sa negosyanteng si Lucio Tan na nagmamay-ari ng PAL na aniya’y bayad na siya at tapos na ang isyu nito sa kaniya.
Magugunitang kamakailan ay binatikos ng Pangulo si Tan kasabay ng paniningil ng anim na Bilyong Piso dahil sa umano’y kakulangan ng bayad sa paggamit ng PAL sa NAIA Terminal 2.
Posted by: Robert Eugenio