Tumaas pa ang presyo ng karneng baboy at manok sa ilang palengke sa Metro Manila, siyam na araw bago ang tradisyunal na noche buena.
Sa NEPA Q-Mart at Commonwealth Market sa Quezon City halimbawa, nagmahal na sa 370 ang kada kilo ng liempo mula sa 365 pesos.
Umakyat naman sa 200 ang kada kilo ng manok mula sa 190 pesos noong isang araw habang ang baka ay nasa 370 hanggang 450 pesos na mula sa 365 hanggang 435 pesos.
Halos wala ring pinagkaiba ang presyo ng mga nasabing produkto sa mga supermarket pero hindi pa kasama rito ang pangrekado gaya ng sibuyas, na nasa 320 pesos ang kada kilo sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Deputy Spokesperson Rex Estoperez, natural na gumalaw ang presyo ng baboy at manok kapag magpa-pasko dahil sa taas ng demand at inaasahang tataas pa ito sa susunod na linggo.
Samantala, sinuspinde na anya nila ang pag-i-issue ng import clearance sa galunggong at ibang isda para sa mga institutional buyer gaya ng canneries at processors.
Ito, anya, ay upang matiyak na kontrolado at hindi babahain ng imported o smuggled na isda ang mga palengke ngayong nagsimula nang pumasok ang inangkat ng gobyerno na 25,000 metric tons.