Isinara sa mga motorista ang ilang bahagi ng Edsa Northbound sa Quezon City kasabay ng “Duterte Legacy Caravan” kaugnay ng pagdiriwang ng Labor Day, kahapon.
Inilunsad ang kick-off event ng Duterte Legacy Caravan sa Edsa People Power Monument.
Pansamantalang isinara ang Edsa Northbound mula Ortigas Avenue hanggang Boni Serrano, kabilang ang buong white plains mula Edsa hanggang sa kanto ng Katipunan Avenue at Temple Drive.
Layunin ng Duterte Legacy Caravan, na isang kolaborasyon ng mga ahensya ng gobyerno at mga volunteer mula sa multi-sectoral groups, na iparating sa publiko ang mga nagawang proyekto ng administrasyon.
Nagsimula ang caravan ala-5 ng umaga sa pamamagitan ng “walk-run-bike” event kaakibat ang panawagan para sa mapayapang eleksyon sa Mayo 9.