Aarangkada na simula ngayong araw ang paghahandog ng libreng sakay ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-77 Kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Maliban sa libreng sakay, pangungunahan din ni MRT Line 3 OIC – General Manger, Michael Capati ang paglulunsad ng full train set o ang pagbiyahe ng kanilang mga tren na binubuo ng 4 na bagon ganap na ika-7 ngayong umaga.
Una nang inihahayag ng pamunuan ng MRT 3 na layunin ng pagdaragdag ng bagon sa tren ay upang mas marami ang kanilang mga mapagsilbihang pasahero lalo pa’t nasa mas maluwag na Alert Level 1 na ang Metro Manila sa laban nito kontra COVID-19.
Gayunman, kailangan pa ring gamitin ng mga pasahero ang kanilang mga beep card para sa mga may hawak ng stored value tickets habang para sa mga walang beep card ay kailangang kumuha nito sa mga ticket booth.
Pero nilinaw ng pamunuan ng MRT 3 na walang mababawas sa kanilang mga balanse sa paggamit ng kanilang stored value beep card habang libre naman itong ipamamahagi sa mga walang beep card.
Una nang inanunsyo ng Department of Transportation o DOTr na ang libreng sakay na tatagal ng isang buwan ay matapos ang ginawang rehabilitasyon ng MRT 3. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)