Ibabalik ng pamahalaan ang pagbibigay ng kupon sa mga nasa transport sektor sa sandaling maipasa ang panukalang pagtaas ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, maliban sa kupon, isasabay rin ang pagpapatupad ng mas mataas na excise tax sa pagbaba naman ng binabayarang income tax ng mamamayan.
Sa pamamagitan anya nito ay hindi masyadong mararamdaman ng taongbayan, sakaling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa mas mataas na buwis.
Anim na pisong excise tax ang planong ipataw ng pamahalaan sa diesel, kerosene at bunker fuel, maliban sa 12% value added tax na kasalukuyang ipinapataw dito samantalang apat na piso at tatlumput limang sentimo hanggang sampung piso naman ang ipapataw sa gasolina.
By: Len Aguirre