Hindi pabor ang simbahang Katolika sa panukalang gawing legal ang pagpapakasal online ngayong magkakahiwalay ang mga magkakasintahan bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay CBCP Executive Director for Public Affairs Committee na si Fr. Jerome Secillano, nangangamba ang simbahan dahil baka ito ang maging dahilan para mas dumami pa ang pekeng pagpapakasal.
Sa inihain kasing panukala sa kamara na house bill number 7042 ni Representative Ron Salo, layon nito amyendahan ang family code para legal na kilalanin ng batas ang pagsasagawa ng virtual weddings.
Pero paliwanag ni Fr. Secillano, hindi rason ang paghihigpit sa mga simbahan dahil pandemya para bumuo ng naturang panukala lalo’t mawawala ang saysay nito oras na magbalik na sa normal ang kundisyon sa bansa.
Sa huli, binigyang diin ni Fr. Secillano na ang ritwal na ginagawa sa simbahan ay sang-ayon sa kabanalan ng kasal.