Inirekomenda ng apat na komite sa Senado ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon dahil sa kontrobersya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ang 34 na pahinang report ay nilagdaan ng 17 senador mula sa committees on justice and human rights, constitutional amendment and revision of codes, accountability of public officers and investigations at finance.
Ayon sa report, dapat kasuhan ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act si Faeldon dahil sa hindi pagsunod sa dept. order 953.
Sa ilalim ng dept. order 953, kailangang aprubahan muna ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) kung gagamitin ang GCTA sa mga bilanggo na nahaharap sa habangbuhay na pagkabilanggo katulad ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
10 taong pagkabilanggo at permanenteng disqualification sa public office ang naghihintay na parusa kay Faeldon sakaling matuloy ang kaso at masentensyahan. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)