Idineklara na ni Senior Associate Prosecutor Peter Ong na submitted for resolution na ang kaso laban kay Karen Aizha Hamidon.
Ito’y makaraang makapagsumite at mapanumpaan ang kanyang kontra-salaysay sa Department of Justice-Panel of Prosecutors ni Hamidon na itinuturong recruiter ng international terrorist group na Islamic State.
Inusisa naman ni piskal Ong ang N.B.I. kung napagbigyan ang hiling ni Hamidon na maiparinig sa kanya ang umano’y audio recording ng panunumpa nito ng kanyang katapatan sa ISIS.
Ayon sa N.B.I., wala silang natanggap na formal request mula kay Hamidon kaya hindi nila napagbigyan ang hiling nito noong nakaraang hearing.
Dahil dito, nagpasya ang panel na doon na rin mismo sa hearing room iparinig kay Hamidon ang sinasabing audio recording nito.
Sa ambush interview naman kay Hamidon, iginiit nito na pinilit lamang siya ng N.B.I. na gawin ang nasabing audio recording pero itinanggi naman ito ng NBI-Counter Terrorism Division.