Pinaiimbestigahan ng iba’t ibang militanteng grupo ang magkakahiwalay na opersyong ikinasa ng pinagsanib puwersa ng militar at pulisya sa Negros Oriental.
Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Sec. Gen. Renato Reyes, maituturing na isang “tokhang” laban sa mga magsasaka ang nangyaring operasyon kung saan, 14 na magsasaka ang nasawi.
Hindi aniya nalalayo ang istilong ito ng pulisya lalo na sa kanilang kampaniya kontra iligal na droga at malinaw na ginagamit ito para labanan ang lahat ng mga kritiko at aktibistang tumututol sa mga polisiya ng administrasyong Duterte.
Kasunod nito, nagbanta ang grupong Bayan Muna na magsasampa sila ng kaso laban sa mga AFP at PNP na nagkasa ng operasyon na maihahambing sa pagiging berdugo ng nuo’y heneral na si Jovito Palparan.
Duda si Bayan Muna Chairman Neri Colmenares sa pahayag ng pnp na nanlaban ang mga napatay nila sa gitna ng kanilang operasyon dahil pawang natutulog ang mga ito nang sila’y walang habas na pagbabarilin ng mga awtoridad.