Kumbinsido ang abogado ng road rage suspect sa Cebu City na mahina ang kaso laban sa kanyang kliyenteng si David Lim Jr.
Ayon kay Atty. Orlando Salatandre, maging ang Philippine National Police (PNP) ay nalito kung anong kaso ang ihahain laban sa kanyang kliyente.
Sa katunayan, dalawang beses anyang nag-mugshot si Lim dahil papalit-palit ang PNP sa impormasyon ng kaso kung frustrated murder o frustrated homicide.
“Diyan pa lang nagdududa na sila kung ano talaga ang i-charge because the circumstance around speaks otherwise, may mga agitating acts pala coming from the group of the victim, hindi lang siya, may mga kasama siya, they keep on honking behind the car of David. Ngayon hinahanap natin ang kumpletong video kasi ang na-upload ay kalahati lang. Inamin din ng complainant kahapon na there was a fist fight before the shooting, so yung attempt to kill (sa side ni David) wala yun.” Ani Salatandre
Samantala, aminado si Salatandre na posibleng wala na kay Lim ang baril na ginamit niya sa pagbaril kay Ephraim Nuñal matapos silang maggitgitan sa kalye.
“I just do not know if he’s still in possession of that, we will talk further what happened, because right after kapag engaged ka sa ganyang problema, you would not know already what to do and you don’t know the things happened other than protecting yourself, we have to know first, ang word doon ay nalingat na after the incident.” Pahayag ni Salatandre
Posibleng anumang oras sa araw na ito ay makalaya rin si Lim dahil bailable ang kanyang kaso.
Una rito, inilipat na sa Cebu City Police station si Lim mula sa regional office ng PNP kung saan siya sumuko sa tulong ni Presidential Assistant Bong Go.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)