Nanganganib madawit sa kaso ang marami pang mga kaalyado ng nakalipas na administrasyon kaugnay ng maanomalyang paggamit ng kaban ng bayan sa ilalim ng DAP o Disbursement Acceleration Program.
Iyan ang ipinahiwatig ng Malacañang matapos na isama ng Ombudsman si dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino III sa mga inirekumendang kasuhan hinggil dito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may mga pinaplantsa na silang dokumento na magdiriin sa iba pang mga sangkot sa anomalya subalit hindi naman kinasuhan dahil sa kaalyado ang mga iyon ng nakalipas na administrasyon.
Buwelta naman ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa mga bumabatikos sa kaniyang desisyon, ibinatay lamang niya ang kaniyang desisyon sa mga inilatag na ebidensya laban sa dating Pangulo.
Magugunitang usurpation of legislative powers ang inirekumendang kaso ni Morales laban kay Aquino dahil aprubado nito ang pagpapatupad ng DAP na ang ilang bahagi ay una nang idineklarang labag sa batas ng Korte Suprema.
Pero sagot ni Roque, malabnaw ang isinampang kaso ng Ombudsman laban sa dating Punong Ehekutibo at tila masyado nang huli bago nakapagpalabas ng pasya hinggil dito.
—-