Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Dionardo Carlos ang PNP Firearms and Explosives Office na bawiin ang iginawad na lisensya nito sa mga armas ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Disono.
Ito’y matapos ipag-utos ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año sa PNP na gawin ang nararapat at ligal na mga hakbang upang mapanagot sa batas si Disono kasunod ng nangyaring standoff sa pagitan ng kampo nito at ng Pulisya nuong Marso 30.
Ayon kay Carlos, maliban dito ay kanila naring ikinakasa ang kaukulang mga kaso laban kina Disono at Pilar Mayor Roland Somera gayundin sa 2 tauhan ng Munisipyo at kasambahay ng Bise Alkalde.
Disobedience to an agent of a person in authority ang isasampa laban kina Robert Boreta Toreno at Emmanuel Valera na pawang mga empleyado ng Munisipyo gayundin sa kasambahay ni Disono na si Jericho Toreno Bufil.
Maliban dito, nahaharap din sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o ang Expanded Trafficking in Persons Act sina Toreno at Valera habang may kahaharapin ding Attempted Murder case si Bufil dahil sa pamamaril nito sa 2 Pulis na sumita sa kanila sa checkpoint. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)