May mga nakikitang sablay ang Internal Affairs Service ng pambansang pulisya hinggil sa ikinasang Oplan Galugad ng Caloocan City Police na siyang ikinasawi ng binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Ayon kay PNP – IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, kapuna-puna ang hindi pagsusuot ng uniporme ng mga pulis na umaresto kay Kian .
Hindi pinosasan, hindi rin kinapkapan ang binatilyo at wala rin aniyang ipinasang post operations report ang mga Pulis Caloocan na nagsagawa ng naturang operasyon.
Nagtataka rin si Triambulo na dinala sa madilim na sulok malapit sa basketball court ang naarestong si Kian sa halip na dalhin sa mobile o sasakyan ng pulisya para dalhin sa presinto.
Lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon na hindi nakipag-ugnayan sa tamang oras ang mga pulis sa barangay bago isakatuparan ang nasabing operasyon.
Dahil dito, ikinakasa na ng PNP – IAS ang kasong serious irregularity in the performance of duty na kanilang isasampa laban sa mga Pulis Caloocan na umaming sangkot sa pagpatay kay Kian.
By: Jaymark Dagala / Jonathan Andal
SMW: RPE