Humihingi ng danyos sa RCBC o Rizal Commercial Banking Corporation ang negosyanteng si William Go matapos makaladkad ang pangalan nito sa money laundering.
Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, abogado ni Go, inihahanda na nila ang isasampa nilang kaso laban sa RCBC.
Sa kabila nito, sinabi ni Esguerra na kinikilala naman nila ang kooperasyong ibinibigay sa kanila ng RCBC para patunayang inosente ang kanyang kliyente.
Ipinakita sa publiko ni Esguerra ang mga dokumentong ginamit sa pagbubukas ng dollar account di umano ni Go sa RCBC Jupiter Branch at kahit anya hindi eksperto ang tumingin ay malinaw na pineke lamang ang lagda ng negosyante.
Peke rin anya ang mga ginamit na identification cards sa pagbubukas ng bank accounts katulad ng driver’s license na hindi naman larawan ni Go ang nakalagay, maliban pa sa ang petsa ng pagkaka-release ng lisensya ay mismong araw nang buksan ang dollar account di umano ni Go.
10 percent kickback
Itinanggi ng kampo ni Businessman William Go ang napaulat na humihingi ito ng 10 porsyentong komisyon sa 81 million dollars na pumasok sa bansa noong Pebrero na di umano’y ninakaw sa Bangladesh Central Bank.
Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, abogado ni Go, ang alok na komisyon ay nagmula kay Maia Santos-Deguito, suspended branch manager ng RCBC kapalit ng pagsara ni Go sa dollar account sa RCBC Jupiter Branch na nakapangalan sa kanya.
Inamin ni Esguerra na nangyari ang alok sa dalawang beses na pakikipagpulong ni Go kay Deguito na inayos naman ni Allan Peñalosa ng East West Bank sa Global City.
Kapwa anya kilala ni Deguito at Go si Peñalosa dahil ito ang pumalit kay Deguito sa dating puwesto nito sa East West Bank.
Inamin ni Esguerra na nahikayat si Go na makipagpulong kay Deguito dahil sa posibilidad na kumita ng malaking pera.
Gayunman, sa halip anya na matuwa, nasorpresa at nagalit si Go sa nangyaring pulong nila ni Deguito dahil nalaman niya na meron syang dollar account sa RCBC nang hindi niya nalalaman.
By Len Aguirre