Patuloy ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa buong bansa makaraang makapagtala ng 250 mga bagong kaso nito.
Sa ulat na isinumite sa World Organization for Animal Health, 199 na bagong kaso ng ASF ang naitala sa Visayas at Mindanao habang 51 naman sa Luzon.
Nagpapatuloy din ang outbreak sa mga lalawigan ng Leyte at Northern Samar sa Visayas; Agusan Del Norte, Misamis Oriental, North Cotabato at Surigao Del Sur sa Mindanao; at mga lalawigan ng Cagayan, Camarines Norte, Camarines Sur, Ifugao, Isabela, Marinduque, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya at Quezon sa Luzon.
Dahil sa naiulat na mga bagong kaso, umakyat na sa 10,068 ang kabuuang kaso ng ASF sa Pilipinas mula nang matukoy sa bansa noong 2019.
Pumalo naman sa 1,309 na mga baboy sa Luzon ang namatay dahil sa virus at 5,821 naman Visayas at Mindanao, habang 414,000 naman ang mga pinatay na baboy sa Luzon at 66,650 sa Visayas at Mindanao.