Pumapalo na sa 413, 430 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos maitala sa 1, 337 ang mga bagong kaso ng impeksyon.
Ayon sa Department Of Health, Davao City ang nakapagtala ng pinakamataas na bagong kaso ng COVID-19 na nasa 110, sumunod ang Laguna – 74, Quezon City – 66, Batangas – 54 at lungsod ng Maynila – 53.
Nasa 286 ang nadagdag na mga bagong gumaling sa COVID-19 kayat pumapalo na sa 374, 939 ang total recoveries sa nasabing sakit.
Halos 8k na ang death toll nang madagdag ang 41 mga bagong nasawi sa COVID-19.
Nasa 30, 492 ang active cases na sumasailalim sa gamutan o quarantine kung saan 84. 5% ang mild, 8 % ang asymptomatic, 2. 5% ang severe at 4.7% ang critical condition.
Samantala, target ng gobyerno na maselyuhan ngayong buwan ang kasunduan ng supply ng COVID- 19 vaccine mula sa mga manufacturer sa China, United Kingdom at Amerika.
Ayon ito kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. na nagsabi ring tiyak nang makakuha ang Pilpinas ng 30 hanggang 50-M supply ng COVID-19 vaccine.
Ipinabatid ni Galvez na mababa at negotiable ang presyong nakuha ng gobyerno para sa mga nasabing bakuna mula sa 2 hanggang 3 kumpanya kapag nakuha ng Pilipinas ang commitment ng mga ito hanggang sa katapusan ng buwang ito.
3 manufacturers pa aniya ang kinakausap nila at nakausap na niya ang UK at Chinese embassies gayundin ang US embassy para sa supply ng bakuna na kapag naselyuhan na ang advance market commitment ay kaagad ilalatag ng mga ito ang kanilang manufacturing supply.
Inihayag ni Galvez na posibleng pinakamaagang makapag-supply ng COVID-19 vaccine sa bansa o sa unang quarter ng 2021 ang Russia.
Sinabi pa ni Galvez na sa posibleng 50-M COVID-19 vaccine supply tiyak na ang 17-M mula sa Covax facility at maaaring mapasakamay ng bansa sa Mayo o Hunyo ng susunod na taon.