Tumaas ang mga naitalang kaso ng dengue at leptospirosis sa Quezon City ngayong taon.
Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), nakapagtala ang lungsod ng 2,328 dengue cases mula Enero a-1 hanggang Setyembre a-8.
Mas mataas ito kumpara sa naitalang 748 na kaso ng dengue sa kaparehong panahon nang nalipas na taon.
Batay pa sa datos ng CESU, pinakamaraming naitalang kaso ng dengue sa District 4 na may 413 cases, habang ang District 3 naman ang mayroong pinakamababang bilang ng kaso na may 314.
Nakapagtala rin ang Quezon City ng 15 nasawi dahil sa dengue sa nasabing panahon.
Samantala, sumirit din ang kaso ng leptospirosis sa lungsod matapos maitala ang 78 kaso mula January 1 hanggang nitong September 1.
Mayorya ng mga kaso ay nagmula sa District 2 na may 24 na kaso, habang may pinakamababang bikang naman ang District 3 na may apat na kaso.
Iniulat din ng QC CESU na 11 ang namatay dahil sa nasabing sakit.
Kaugnay nito, pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang mga kapaligiran at kaagad na magtungo sa pinakamalapit na o Ospital o Health Center sakaling makaranas ng mga sintomas ng sakit.