Patuloy pa ring tumataas ang naitatalang kaso ng dengue sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), pumalo na sa 229,736 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa mula January hanggang August 17.
Mahigit doble na ito sa naitalang 110,970 na kaso ng dengue noong nakaraang taon sa kaparehang panahon.
Sa nabanggit na bilang ng kaso ng dengue, halos 1,000 o 958 na ang naitalang nasawi.
Ayon sa DOH, pinakamataas na bilang ng dengue cases ay naitala sa Western Visayas na umaabot sa 39,892, sinusundan naman ng Calabarzon na mayroong 30,899 cases, Northern Mindanao at Zamboanga peninsula.
Habang pinakamarami ring naitalang nasawi dahil sa dengue sa Western Visayas na umaabot sa 179.
Matatandaan noong Agosto 6 nagdeklara ang DOH ng national dengue epidemic sa bansa.