Sumampa na sa mahigit 4,000 ang nagka-dengue kabilang ang 29 na namatay sa Central Visayas simula Enero 1.
Kumpara ito sa tinatayang 1,200 dengue cases sa kaparehong panahon noong isang taon.
Ayon sa Department of Health, karamihan sa nagkasakit ay naitala sa Cebu, Lapu-lapu at Mandaue cities sa Cebu province maging sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Mayroon ding ilang partikular na lugar sa mga lalawigan ng Cebu at Bohol na umabot na sa outbreak level ang kaso ng dengue na nakukuha sa kagat ng lamok kaya’t puspusan na ang clean-up at fumigation ng mga lokal na pamahalaan.
Una ng inirekomenda ng DOH ang pagdedeklara ng dengue outbreak sa mga naturang lugar.
Samantala, umabot na sa “alert threshold” ang dengue cases sa Zamboanga peninsula matapos umakyat sa 1,300 katao ang tinamaan ng nabanggit na sakit kabilang ang 9 na namatay.