Pumalo na sa mahigit 76,000 ang kaso ng dengue sa bansa mula noong January 1 hanggang sa kasalukuyan.
Ito ayon sa Department of Health ay mas mataas ng 78% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Naitala ang pinakamaraming kaso ng dengue sa Calabarzon na nasa mahigit 15,000 kaso; na sinundan ng National Capital Region na may mahigit 13,000 kaso; at Central Luzon na may mahigit 12,000 kaso.
Karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay nasa edad 14 pababa.
Gayunman, ayon sa DOH, nananatili pa ring mas mababa sa 1% ang fatality rate ng nasabing sakit.
Dahil dito, muling ipinaalala ng ahensya ang mga sintomas ng nasabing sakit kabilang na ang pananakit ng tiyan, pagdurugo, pagsusuka, at labis na pagkapagod. —sa panulat ni John Riz Calata