Bumaba na ang bilang ng mga kaso ng dengue sa ilang rehiyon sa bansa.
Ito ang tiniyak ng Malacañang dahil sa pangamba ng publiko bunsod ng napaulat na paglobo ng mga nadapuan ng naturang sakit.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma Jr., bagama’t tumaas ang mga dengue cases sa northern Luzon at ilang lugar sa Cavite ay naghahatid naman ng medical assistance ang Department of Health (DOH) sa mga nasabing lugar.
Sinabi ni Coloma na may mga naitala nang pagbaba ng mga kaso ng dengue sa 10 rehiyon sa bansa.
Nanawagan naman ang Malacañang sa publiko na tumulong sa pagpuksa sa dengue sa pamamagitan ng regular na paglilinis sa ating paligid.
By Jelbert Perdez