Nakapagtala ang DOH o Department of Health ng pagtaas sa bilang ng mga nagkakasakit ng dengue.
Kasabay na rin ito ang ginagawang pagbabantay ng ahensiya sa measles outbreak sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, sa central visayas pa lamang pumalo na sa mahigit dalawang libo’t isang daan ang naitalang kaso ng dengue ngayong 2019 kung saan labing walo rito ang nasawi.
Sinabi pa ni Domingo, karaniwang mababa ang bilang mga nagkaka-dengue sa ganitong panahon.
Pero dahil aniya sa paiba-ibang klima at naranasang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa nitong mga nakalipas na araw, nagkaroon ng pagtaas sa kaso ng mga nagkaka-dengue at tila nagiging problema na ito sa buong taon.
Kasunod nito, pina-alalahanan ni Domingo ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran at itapon ang mga naiipon na tubig para maiwasan ang pagdami ng lamok na nagdadala at nagkakalat ng dengue.