Pumalo na sa mahigit 188,000 kaso ng dengue ang naitala ng Department of Health (DOH) ngayong buwan.
Ayon sa dengue surveillance report ng DOH, umabot na sa 188, 562 dengue cases ang naitala simula lamang noong Enero 1 hanggang Agosto 3 kung saan 807 sa mga ito ang nasawi.
Mahigit doble ito sa 93,149 cases na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Kaugnay nito, pinakikilos na ng DOH ang kanilang mga regional directors para maging localize ang pagkilos para matigil ang pagkalat ng dengue.
Tinukoy ng DOH ang sumusunod na rehiyon na nasa ilalim ng epidemic threshold level kabilang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Western Mindanao, Central Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nawala naman sa listahan ng lugar na nasa alert level ng dengue ang National Capital Region (NCR) at Ilocos Region dahil sa mababang kaso ng dengue para sa linggo na covered ng report.